Tiniyak ni German Chancellor Angela Merkel na maayos pa rin ang kanyang kalusugan kasunod ng dalawang okasyon kung saan napansing nanginginig ang opisyal.
Sa talumpati nito sa G20 summit sa Osaka, sinabi ni Merkel na kumbinsido raw ito na mawawala rin ang mga agam-agam sa kanyang kalusugan katulad ng biglaan nitong pagsulpot.
Nang matanong naman kung nagpasuri na ito sa doktor, tugon ng opisyal na wala raw itong dapat na iulat.
Nitong nakaraang linggo nang makita si Merkel na nanginginig sa loob ng dalawang minuto sa isang seremonya sa Berlin.
Mahigpit na hinawakan ng 64-year-old chancellor ang kanyang braso hanggang sa nawala ang pag-alog nito.
Nasa ikaapat na termino na bilang chancellor si Merkel, na nagsimula noong Nobyembre 2005.
Nangako naman ito na lilisanin na nito ang pulitika sa pagtatapos ng kanyang termino sa 2021. (BBC)