-- Advertisements --

Target ngayon ng mga otoridad sa probinsiya ng Sulu na marekober ang umano’y bangkay ng German hostage na si Jurgen Kanther na pinugutan umano ng bandidong Abu Sayyaf matapos hindi nagbayad ng ransom na nasa P30 million sa itinakdang deadline.

Ayon kay PNP chief police Director General Ronald dela Rosa na batay sa nakuhang intelligence report ng kanilang pwersa sa probinsiya kahapon pa pinugutan ng ulo ang bihag na Aleman.

Paliwanag ni PNP chief na magkaiba ang intelligence report sa investigation report dahil kapag intel report ay kailangan pa ito ng validation habang ang investigation report naman ay kailangan marekober ang cadaver ng kidnap victim.

Kaliwat kanang validation ang isinasagawa ngayon ng militar para makumpirma kung totoong pinugutan na ng ulo si Kanther.

Batay sa report ang grupo ni Muammar Asjali alias Abu Rahmi ang pumugot sa ulo ng banyagang bihag sa may bahagi ng Indanan, Sulu.

Samantala, ayon naman kay AFP chief of staff General Eduardo Año kailangan ng mga testimonya lalo na sa mga testigo sa insidente o hindi kaya ay marekober ang anumang parte o bahagi ng katawan para makumpirma na pinugutan ng ulo ang kidnap victim.

Sinabi ni Año na may natanggap silang report sa loob pero hindi sa beheading site.

Batay sa report na may anim na ASG member na namataan sa lugar.

Pagtiyak ni Dela Rosa na hanggang sa ngayon nagpapatuloy ang military operations sa Sulu.