-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Hindi muna pinayagang makauwi sa kani-kanilang bahay ang isang German national at dalawang seaman na dumating kamakailan sa Aklan.

Ayon kay Dr. Cornelio Cuatchon ng Provincial Health Office (PHO)-Aklan, kasalukuyang naka-hotel quarantine ang tatlo sa Aklan Training Center sa Brgy. Old Buswang, bayan ng Kalibo.

Kailangang sumailalim ng mga ito sa 14-day quarantine at specimen testing.

Dumating ang dayuhan sakay ng private plane mula Metro Manila upang makita sa huling pagkakataon ang namayapang misis sa isla ng Boracay dahil sa atake sa puso.

May kaukulang travel documents umano ang pag-uwi ng mga ito mula sa Department of Foreign Affairs at Aklan Provincial Government.

Ang specimen samples ng tatlo ay ipinadala na sa Western Visayas Medical Center Sub National Laboratory upang matukoy kung mayroong coronavirus disease o COVID infection ang mga ito.

Doble ang pag-iingat na ginagawa ngayon ng mga taga-Aklan dahil simula pa noong Abril 5 ay wala nang naitatalang bagong kaso ng COVID-19 sa lalawigan.