NAGA CITY – Nagpapatuloy ngayon ang imbestigasyon ng mga otoridad sa pamamaslang ng isang German national sa kanyang asawang Pinay sa lalawigan ng Quezon.
Kinilala ang suspek na si Martin Carl Otto Turk, 75.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office (QPPO), nabatid na natagpuan na lamang ang katawan ng biktimang si Basilisa Crisologo Turk, 75, sa gilid ng bahay nito sa Isla German, Brgy. Ibaba Polo, bayan ng Pagbilao.
Pinaniniwalaang matagal nang patay ang biktima dahil nabubulok na ang bangkay nito.
Sa inisyal na imbestigasyon, Hunyo 24 nang maikwento ng biktima sa kanyang mga kamag-anak na pinagtangkaan siyang patayin ng sariling asawa matapos silang magkaroong ng hindi pagkakaintindihan.
Hanggang sa hindi na umano nakokontak ang biktima kung kaya pinuntahan na ito ng kapatid na si Helinda Orjalesa Crisologo at doon na naabutan ang naagnas na bangkay ng kapatid.
Sa kabilang dako, nahuli naman ang suspek ng mga barangay tanod at agad ding itinurn-over sa pulisya.
Samantala, narekober naman ang isang patalim na humigit-kumulang 21 pulgada ang haba sa tabi ng bangkay, pustiso, at isang cellphone.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad habang nakakustodiya na ang asawa nito Pagbilao PNP custodial facility.