-- Advertisements --

Inihanda na ng Germany ang kanilang mga air force para sa paglilipat ng mga pasyente na dinapuan ng COVID-19.

Dadalhin nila ang mga pasyente na may malubhang kalagayan sa Muenster malapit sa Osnabrueck sa north mula sa south Memmingen.

Gagamit sila ng eroplano na kasya ng hanggang anim na ICU beds na tinagurian nilang “flying intensive care units”.

Kasunod ito sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 at ang banta pa ng bagong variant na natuklasan mula sa South Africa.

Nitong nakaraang Biyernes lamang ay nagtala ang Germany ng 76,000 na kaso sa loob lamang ng isang araw.

Sinabi ni acting Health Minister Jens Spahn na nararapat na magkaroon ng “massive restriction of contacts” para tuluyang maputol ang pagkakaroon ng fourth wave infections ng virus.

Kapag hindi maagapan ito ay posibleng magpatupad sila ng panibagong lockdown.