Irerekomenda umano ng vaccine committee ng Germany na sa mga edad 18 hanggang 64 lamang nila ituturok ang COVID-19 vaccine na gawa ng British pharmaceutical firm na AstraZeneca.
Batay sa draft resolution ng komite na isinapubliko ng German health ministry, kulang umano ang datos upang i-assess ang pagiging mabisa ng mga bakuna sa mga edad 65 pataas.
“The AstraZeneca vaccine, unlike the mRNA vaccines, should only be offered to people aged 18-64 years at each stage,” saad nito.
Inaasahang magpapasya na ang European Medicines Agency kung aaprubahan nila ang COVID-19 vaccine ng AstraZeneca.
Sa panig naman ng British firm, itinanggi nila na hindi epektibo ang kanilang bakuna sa mga nasa edad 65 pataas.
Tugon ito ng kompanya matapos lumabas ang ulat na nangangamba ang mga German officials na hindi makalusot ang bakuna sa European Union upang ipagamit sa mga matatanda.
Ayon naman sa German health ministry, sa 341 katao na nasa edad 65 pataas na naturukan na ng bakuna, isa lamang ang dinapuan ng coronavirus. (Reuters)