Dumistansya muna ang kampo ng WellMed Dialysis Center matapos arestuhin ng National Bureau of Investigation (NBI) nitong Lunes ang mismong may-ari nito na lumutang para sa imbestigasyon.
Tumanggi munang magbigay ng statement ang legal counsel ng WellMed na si Atty. Rowell Ilagan matapos makakita ng sapat na basehan ang ahensya na arestuhin na si Brian Christopher Sy.
Ayon sa NBI nabatid ng kanilang mga imbestigador na patuloy pa rin ang proseso ng WellMed sa maanomalyang claims nito sa PhilHealth, kaya inaresto pa rin daw nila ito kahit walang inilabas na warrant of arrest.
Sinabi ni NBI anti-graft division head Nathaniel Ramos na maituturing na continuing crime ng estafa at falsification of documents ang ginawa ng WellMed.
Lumutang din sa tanggapan ng NBI ang whistleblowers na sina dating WellMed Asst. Branch Manager Edwin Roberto at PhilHealth officer Liezel Santos na kinumpirma ang utos umano sa kanila ni Sy ni i-peke ang records ng mga pasyente. Nakatanggap din daw sila ng death threat mula kay Sy.
“Pinapa-kopya niya (Sy) doon sa mga chart ng pasyente; yung pirma. Tapos gagayahin namin, ipa-practice sa scratch tsaka ifo-forge,” ani Santos.
“Kami ay empleyado kaya sumusunod lang kami sa utos ng may-ari. Wala na kaming social life, di na kami nalabas ng bahay mula nang mag-file kami ng kaso sa PhilHealth,” ani Roberto.
Kaugnay nito, nagpaliwanag din ang PhilHealth dahil sa mabagal umanong aksyon nito sa reklamong inilapit sa kanila noon ng whistleblowers.
“Sa tingin ng ating whistleblowers matagal ang proseso pero lagi naming pinapaliwanag sa kanila na may prosesong dapat sundin, hindi kaagad agad mangyari yung gusto nila mangyari. Actually yung gusto nila ipasara na yung ospital (WellMed),” ani PhilHealth Acting Senior Manager Ernesto Barbado.
Sa kabila nito, inamin ng NBI na kakasuhan din nila si Roberto Santos, habang pinag-aaralan pa ang hiling ng mga ito na maging state witness.