LEGAZPI CITY – Desidido ang alkalde ng lungsod ng Ligao na sampahan ng kaso ang isang umano’y government employee na nagpapakalat ng fake news sa kasagsagan ng krisis sa coronavirus disease (COVID-19).
Una rito, isang Facebook user ang nagsabing “nang-ghost” sa mga nasasakupan si Ligao Mayor Patty Alsua na kung kaluluwa na ay magparamdam naman.
Hindi ito ikinatuwa ng ilang malalapit sa alkalde at ayon kay Albay 3rd District Rep. Fernando Cabredo sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na tigilan na ang “dirty politics” sa panahon kung saan pagkakaisa at pagtutulungan ang higit na kailangan.
Sinasabing “emotionally disturbed” rin umano ang alkalde at mga tagasuporta nito dahil sa isyu lalo pa’t gumagalaw naman ang opisyal sa pagtulong sa mga kababayan.
Nilinaw pa ni Cabredo na buhay pa ang alkalde at hindi magandang ulanin ng intriga at akusasyon ng mga taong may masasamang pag-iisip.
Sinagot rin ni Cabredo ang mga pumupuna sa P1,000 na ipinamimigay sa mga indigent at karagdagang P500 para sa mga senior citizen, na mula umano sa lokal na pamahalaan ng Ligao dahil hinihintay pa ang ibababang pondo para sa social amelioration.