Naglista ng 28 points at 11 rebounds ang nagbabalik na si Giannis Antetokounmpo para magapi ng Milwaukee Bucks ang Brooklyn Nets, 131-121.
Hindi rin nagpahuli sina Eric Bledsoe na pumoste ng 29 points para sa Bucks, na nakahugot din kay reserve guard George Hill ng 22 points, maging kina Brook Lopez at Sterling Brown na may tig-14 markers.
Kumamada naman ng 28 points at 10 rebounds si D’Angelo Russell upang akayin ang Nets, na nananatiling nasa ikapitong puwesto sa East.
Agad na nag-init ang Milwaukee para itala ang 35-13 abanse sa huling 1:39 ng first quarter.
Bumawi naman ang Nets sa pamamagitan ng kanilang 28-6 bomba upang itala ang 42-41 lamang, matapos isalpak ni DeMarre Carroll ang layup nito sa nalalabing 5:53 sa first half.
Inilagay ng three-point play ni Antetokounmpo ang Bucks sa 101-91 lead sa natitirang 10:21 ng huling yugto.
Bagama’t napababa ng Brooklyn sa apat ang agwat tampok ang layup ni Caris LeVert, tumugon ang Bucks sa kanilang 7-0 run na pinamunuan ni Antetokounmpo upang mapalawig pa nila nang husto sa 121-110 ang iskor sa 4:11 nalalabi.