Humakbang na ang Milwaukee Bucks sa second round ng playoffs matapos nilang kumpletuhin ang four-game sweep sa Detroit Pistons, 127-104.
Nagbuhos ng 41 points si Giannis Antetokounmpo upang akayin ang Bucks, na unang beses uusad sa next round mula noong 2001.
Ginamit ng Bucks ang third quarter upang hablutin mula sa Pistons ang abanse sa laro, tampok ang kanilang 17-3 run.
Dahil sa kanilang panalo, kahit papaano ay nakahinga raw nang maluwag si Milwaukee coach Mike Budenholzer.
“I think it’s important that we take a second tonight. Enjoy it,” ani Budenholzer. “It’s a good night for Milwaukee. It’s a good night for the Bucks.”
Sa kabilang dako, sumandal ang Detroit kay Reggie Jackson na pinakawalan ang 20 sa kanyang 26 points sa first half.
Ang Pistons naman ay nagtakda ng NBA record matapos nilang itala ang kanilang ika-14 dikit na pagkatalo sa playoffs, na nag-umpisa noon pang 2008.
Bunsod nito, sunod na haharapin ng Bucks ang Boston Celtics, na winalis din sa kanilang first round playoff series ang Indiana Pacers.