Ibinuhos ni Giannis Antetokounmpo ang 13 sa kanyang 26 points sa third quarter para tambakan ng Milwaukee Bucks ang Detroit Pistons, 120-99.
Sa panalong ito, nakamit din ng Bucks ang 2-0 pamumuno sa playoff series nila ng Detroit sa first round.
Makaraang magbuhos lamang ng 10 puntos at magbabad lamang ng 14 minuto sa first half, nanggaling kay Antetokounmpo ang unang pitong puntos ng Milwaukee sa third quarter.
“It is about will,” wika ni Antetokounmpo. “I knew they were going to put guys in the paint, crowd me. I just tried to have patience.”
Na-outscore ng Bucks ang Detroit 35-17 sa nasabing yugto upang bitbitin ang 93-76 abante sa pagpasok ng fourth.
Hindi rin nagpapigil sina Eric Bledsoe na kumubra ng 27 points, at si Khris Middleton sa kanyang 24.
Sa hanay naman ng Pistons, nalimitahan lamang sa 19 points si Luke Kennard, maging sina Riggie Jackson at Andre Drummond na kapwa nagtala ng 18.
Dadalhin sa Detroit ang Game 3 na idaraos sa araw ng Linggo.