Hindi napigilan ni Giannis Antetokounmpo ang kanyang tears of joy makaraang igawad sa kanya ang Most Valuable Player honors sa NBA Awards ngayong araw.
Tinalo ng 24-year-old forward mula sa Greece sina Paul George ng Oklahoma City at James Harden ng Houston, na napanalunan ang nasabing parangal noong nakaraang taon.
Dahil dito, kahanay na rin ng tinaguriang Greek Freak si Kareem Abdul-Jabbar bilang ikalawang manlalaro ng Milwaukee Bucks na naibulsa ang award.
Siya rin ang ikatlong pinakabatang player na nakamit ang MVP sa loob ng mahigit 40 seasons kung saan sinusundan nito sina Derrick Rose at LeBron James.
Si Antetokounmpo rin ang namuno sa Bucks upang kanilang itala ang best record sa regular season, ngunit nabigo silang makapasok sa NBA Finals nang biguin sila ng Toronto Raptors sa Eastern Conference Finals.
Sa kanyang talumpati, pinasalamatan ni Antetokounmpo ang kanyang mga teammates na tumulong sa kanya upang makamit ang parangal.
“MVP is not about stats and numbers… it is all about winning and all about making sure you go out there and do everything you can to win,” wika ni Antetokounmpo. “I think that is what we did as a team.”
Kabilang din aniya sa kanyang naging mga motivation ang pagkamatay ng kanyang ama at ang hamon sa kanya ni Kobe Bryant na dapat nitong makuha ang MVP.
May average na 25.5 points at 12.3 rebounds per game si Antetokounmpo noong postseason.