Hinikayat ni Defense Secretary at Task Force El Niño Chairman Gilberto Teodoro Jr. ang mga local government units (LGUs) ngayong Linggo, Pebrero 18, na iayon ang kanilang mga plano hinggil sa pagpapagaan at pamamahala sa epekto ng El Niño sa diskarte ng national government.
Nauna nang iniulat na tiniyak ni Teodoro kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos na ang task force at local disaster risk reduction and management councils (DRRMCs) ay patuloy ang pagsisikap para sugpuin ang epekto ng naturang weather phenomenon.
Noong nakaraang linggo, matatandaan na tinipon ni Teodoro ang mga miyembro ng Task Force El Niño sa Camp Aguinaldo sa Quezon City para ipaalam sa kanila na nais ni Pangulong Marcos na tumuon sa sistematiko, holistic, at results-driven interventions.
Dahil dito, inalerto niya ang mga regional director ng Department of Interior and Local Government (DILG) at local DRRMCs para sa kanilang mga hakbang sa pagtugon sa El Niño.
Binigyang-diin niya na ang mga pagsisikap ng task force ay magpapabilis sa pagtugon ng pambansang pamahalaan sa weather phenomenon.
Samantala, inatasan rin ni Teodoro ang militay commanders na magtipid ng tubig sa mga kampo bilang bahagi ng pagsisikap na sugpuin ang epekto ng El Niño.
Nasa 41 lalawigan na ang naapektuhan ng El Niño noong nakaraang linggo: 17 lalawigan ang nakararanas ng dry conditions, 10 ang nakaranas ng matinding tagtuyot, habang 14 ang dumaranas ng tagtuyot.
Ang malakas na epekto ng El Niño ay inaasahang magpapatuloy hanggang sa katapusan ng Marso hanggang Mayo.