-- Advertisements --

Tinanggihan ng Gibraltar ang hiling ng Estados Unidos na kunin muli ang Iranian tanker na hawak nito noon pang Hulyo dahil sa hinalang naghahakot ito ng langis patungong Syria.

Ginawa ng US ang last-minute request nitong nakaraang linggo matapos na bawiin ng Gibraltar ang detention order nito sa Grace 1.

Paliwanag ng Gibraltar, hindi raw nito magawa ang hiling ng Washington na mag-isyu ng panibagong detention order dahil sa walang bisa sa European Union ang mga sanction ng Estados Unidos sa Iran.

Ayon kay Iran ambassador to UK Hamid Baeidinejad, aalis sa Gibraltar ang nasabing tanker ngayong araw.

Handa naman daw ang Tehran na ipadala ang kanilang navy para i-escort ang barko na nagpalit na ng pangalan mula Grace 1 sa Adrian Darya 1.

Ang nasabing barko, na may 29 tripulante mula India, Russia, Latvia at Pilipinas, ay nasamsam sa tulong ng British marines dahil sa posibleng paglabag sa sanctions ng EU. (BBC)