Agad na sasabak ang Gilas Pilipinas sa ensayo at susulitin ang dalawang linggo bago ang pagsisimula ng FIBA World Cup na gaganapin sa China sa katapusan ng buwan.
Matapos ang matagumpay na walong araw na training camp sa Spain, ay pauwi na ngayong araw ang koponan.
Ayon kay Gilas coach Yeng Guiao, wala silang sasayangin na panahon lalo na at mahigit dalawang linggo na lamang ang natitira bago ang World Cup.
Aniya, may mga aral na silang natutunan sa mga laro nila sa Spain at kanila na nitong babaguhin.
Sa natitirang mga araw ay dito isasapinal na ng Gilas coach ang 12 mga manlalaro na sasabak sa prestihiyosong torneyo.
Unang maglalaro ang Gilas sa first-round sa Foshan sa Guangdong province ng China.
Kabilang kasi ang Gilas sa Group D na makakaharap ang Italy, Serbia at Angola.
Sakaling pumasok ang Gilas sa top two ay sa Wuhan naman sila maglalaro para sa second round.
Kung sakaling mabigong umusad, tutungo ang mga Pinoy sa Beijing para classification stage.