Walang aaksayahing panahon ang Philippine men’s basketball team at agad silang sasabak sa ensayo pagdating nila sa China para sa nalalapit na 2019 FIBA World Cup.
Ngayong umaga ay nasa biyahe na ang mga Pinoy patungong Guangdong, China para sa basketball showdown na magsisimula na sa Agosto 31.
Agad na sasalang sa ensayo ang Gilas Pilipinas sa oras na makaapak na ito sa Foshan kung saan idaraos ang mga laro sa Group D kung saan kabilang ang mga Pinoy.
Ayon kay Gilas Pilipinas head coach Yeng Guiao, isa sa kanyang mga inaalala ay ang acclimitization lalo pa’t batid nilang maikli lamang ang panahon para makapa nila ang lugar.
“Yung acclimatization period namin is quite short. All the other teams have been in China for the last week or so. So kami dalawang araw lang,” anang Gilas coach.
“Pero I don’t think there’s any question with the time zone or the weather. So I don’t think na matatagalan yung acclimatization namin. That’s my only concern actually.”
Pero sa kabila nito, tiniyak ni Guiao na mataas ang morale ng mga Pinoy na handang lumaban kahit napakalaki ng hinaharap na pagsubok.
Inaasahan din na aayusin na ni Guiao ang lahat ng gusot kasabay ng “testing” sa game plan na binuo nila sa loob ng ilang buwan.
Makakasagupa ng Gilas sa group phase ang Angola, Italy at Serbia.
Dalawang koponan lamang ang papasok sa Last 16 kaya’t bawat laro ay mahalaga para sa Pinoy squad.
Unang hahamunin ng Pilipinas ang European powerhouse Italy sa Agosto 31, kasunod ang world No. 4 Serbia sa Setyembre 2, at Angola sa Setyembre 4.