Malalaman umano ang bubuo sa opisyal na line-up ng Gilas Pilipinas para sa 2019 FIBA World Cup pagkatapos ng kanilang two-game friendlies kontra sa Adelaide 36ers.
Ayon kay Gilas head coach Yeng Guiao, bagama’t batid na ng kanyang coaching staff ang magiging komposisyon ng mayorya ng koponan, pinag-iisipan pa nila kung sino ang ilalagay sa huling dalawang puwesto.
Umaasa naman si Guiao na pagkatapos ng kanilang serye kontra sa 36ers ay mabubuo na nila ang final roster.
“Pagkatapos ng Australian series magme-meeting na kami agad ng coaching staff. Baka ‘yung (August) 26 and latest yung (August) 27 buo na yun, mabubuo na yun,” wika ni Guiao.
“Kasi kailangan na nating ipaalam sa team kung sinong makakasama at kung sinong hindi, so mbubuo na agad yun after the Australian series.”
Daratin sa bansa sa Miyerkules ang 36ers, na isa sa mga ballclubs ng National Basketball League (NBL) ng Australia.
Haharapin ng national team ang mga dayo sa Biyernes at sa Linggo.
“Yung 10 dyan sa 12 natin ay medyo more or less ay nakabuo na. Yung two slots na lang ang binubuo natin,” ani Guiao.
“Crucial especially for the last two slots. Also for our final adjustments, kailangan makita natin doon yung last minute adjustments natin. Makita din natin doon kung papaano i-desisyon yung 12-man lineup, so that’s how important it is.”