-- Advertisements --

Kumpiyansa umano si Gilas Pilipinas head coach Yeng Guiao sa usad ng paghahanda ng national team para sa kanilang pagsabak sa FIBA World Cup mahigit isang buwan mula ngayon.

Sa isang press conference, sinabi ni Guiao na hindi naman daw ito nakararamdam na haharap sila sa malaking problema sa kalagitnaan ng kanilang preparasyon para sa prestisiyosong torneyo.

Balik-ensayo na rin daw sila sa susunod na linggo kung saan gagawin nang araw-araw ang kanilang pagsasanay bago ang biyahe nila sa Spain para sa serye ng mga tune-up games.

Gayunman, aminado ang beteranong mentor na malaking hamon para sa kanila ang pagkawala ng sharpshooter na si Marcio Lassiter, na nagpapagaling ngayon mula sa natamong injury sa kaliwang tuhod.

Kahit na umaasa pa rin sa pagbabalik ni Lassiter, bubuo na raw sina Guiao kasama ang kanyang coaching staff ng back-up plan para mapunan ang kawalan niya.

“We’re still not giving up on Marcio,” wika ni Guiao. “I was informed that it would take around 6 weeks for him to get back, so we’re hoping that there’s a minor miracle that can happen, maybe he can get back in 3 or 4 weeks and that’s going to be enough time for him to be with us.”

“We’re not totally giving up on him, we are already going to prepare a contingency plan just in case he doesn’t make it.”

Maliban dito, ayon kay Guiao, limitasyon din para sa national squad ang nagpapatuloy na playoffs ng PBA Commissioner’s Cup.

“Right now, we’re in the middle of our preparation. We’re really just looking to get it over with the PBA Playoffs so that we can have the national team players fully committed to the practices,” ani Guiao.