Hangad ngayon ng national team Gilas Pilipinas na makaisa man lamang ng panalo sa pagtatapos bukas ng Linggo ng kanilang kampanya sa nagpapatuloy na FIBA Basketball World Cup sa Beijing, China.
Gayunman, nakaharang sa kanilang daraanan ang dating Asian champion na Iran at nag-aambisyon din na makaisa ng panalo.
Parehong 0-4 kasi ang kartada ng dalawang teams.
Sinasabing matinding paghahanda ang ginagawa ngayon ng national squad para may pasalubong man lang na isang panalo sa pagbabalik nila sa Pilipinas.
Tulad ng dati nilang mga laro, tiyak na tinik pa rin sa pagtatangka ng Pilipinas ang beteranong sentro ng Iran at dating NBA player na 7’2″ na Hamed Haddadi, 34.
Sa huling harapan ng dalawang magkaribal na team sa second round ng 2015 Fiba Asia Championship sa Changsha, China ay tinalo ng Pilipinas ang Iran sa pangunguna ng longtime naturalized player na si Andray Blatche, 33.
Pero bago ang naturang torneyo dalawang beses namang tinalo ng Iran ang Gilas.
Sa ngayon masaklap ang mga naging talo ng mga Pinoy kabilang na ang 46 points na kalamangan ng Italy, 39 points na tambak sa Serbia, natalo ng tatlong puntos sa Angola at 19 points na agwat sa Tunisia.
Ang iba pang winless teams ngayon sa FIBA World Cup ay ang Team Japan, Korea, Jordan, at Senegal.