Umaasa si Gilas Pilipinas head coach Tim Cone na mauulit muli ng Gilas Pilipinas ang naging panalo nito kontra sa World No. 6 Latvia.
Kaninang madaling araw nang tinalo ng Team Phils ang Team Latvia sa Riga City, 89-80.
Ang naging performance ng Team Phils ay ikinagulat ng maraming basketball fans lalo na at tinambakan ng Gilas ang world No. 6 sa halos kabuuan ng laro.
Sa pagtatapos ng 3rd quarter, hawak ng world No. 37 ang 21 point lead laban sa world No. 6, 77 – 56.
Ayon kay Coach Cone, na-shock ito sa naging performance ng Gilas sa kabuuan ng laro. Maaga aniyang kumana ang mga Gilas players at nagawang imentene ang magandang shootingt performance sa kabuuan ng game.
Maganda rin aniya ang naging depensa ng Gilas laban sa mga players ng team Latvia.
Umaasa ang batikang head coach na magagawa rin ito ng Gilas sa susunod na match laban sa Team Georgia.
Ayon kay Cone, hindi pumunta ang Gilas sa Latvia Olympic Qualifying Tournament upang maipanalo lamang ang isang game, kundi umusad sa iba pang elimination round at maglaro sa Finals.
Ang naging panalo ng Gilas ay panibagong tala sa kasaysayan sa Philippine basketball kung saan ito ay ang unang panalo ng bansa laban sa isang European team, mula nang talunin nila ang Team Spain noong 1960.
Sunod na makakalaban ng Gilas ang world No. 23 na Georgia.