-- Advertisements --

VIGAN CITY – Naniniwala ang isang beteranong sports analyst na magsisilbing napakatinding hamon para sa Gilas Pilipinas ang kampanya nila sa group stage ng 2019 FIBA World Cup.

Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Quinito Henson, sinabi nito na hindi biro ang haharapin ng Pilipinas sa Group D, na kinabibilangan ng European powerhouse teams na Serbia at Italy, at ang Afrobasket champion na Angola.

Tingin ni Henson, kung mabibigo ang Pinoy Cagers sa Serbia, dapat umanong ibuhos ng Gilas ang 150% nila sa pagharap nila sa world No. 13 na Italy sa araw ng Sabado.

Inaasahan kasing isasabak ng Italy ang ilan sa kanilang mga dekalibreng NBA players gaya nina Marco Belinelli at Danilo Gallinari.

Samantala, kahit walang ipinagmamalaking NBA cagers, hindi raw dapat maliitin lamang ng Gilas ang Angolan squad.

Binigyang-diin naman ni Henson na kahit hindi makausad sa second round ang Gilas, malaking karangalan pa rin ang makapaglaro sa prestihiyosong torneyo na idaraos sa China.

Bubuksan ng Gilas ang kanilang kampanya sa World Cup sa pagtutuos nila ng Italy sa Agosto 31 sa lungsod ng Foshan.