Hindi nakatikim ng panalo ang Gilas Pilipinas matapos yumuko sa Angola sa overtime, 81-84, sa pagtatapos ng kanilang kampanya sa group phase ng 2019 FIBA World Cup sa China.
Sa laro ay sinubukang bumawi ng mga Pinoy sa masaklap na pagkabigo nila sa Italy at Serbia kung saan binura nila ang 11-point lead ng Angola sa second half.
Gayunman, hindi pa rin umubra ang Gilas sa huling sandali ng regulation at ng extra period.
Naging hudyat sa palyadong kampanya ng Gilas sa Group D ang pumaltos na desperadong three-point shot ni Kiefer Ravena sa pagtunog ng buzzer sa overtime.
Sumandal ang Gilas, na rank No. 31 sa buong mundo, kay naturalized center Andray Blatche na tumipon ng double-double na 23 points at 12 rebounds.
Umasiste rin si CJ Perez para sa national team na nagtala ng 17 points.
Namayani naman sa African team, na rank No. 39, si Valdélicio Joaquim na umiskor ng 20 points.
Dahil sa pagkabigong ito, tapos na rin ang pangarap ng mga Pinoy na makasungkit ng silya bilang “Best Team in Asia” na posibleng maging daan nito tungo sa pagbabalik sa 2020 Olympics na gaganapin sa Tokyo, Japan.
Sunod nito, bibiyahe ang Gilas pa-Beijing upang harapin ang Iran at ang matatalo sa hiwalay na laro ng Puerto Rico at Tunisia sa Group N.