Napakahalaga umanong sumandal ang Gilas Pilipinas sa mala-linta na depensa upang mapigilan ang mga shooters ng powerhouse team Italy sa simula ng kampanya mamayang gabi sa FIBA Basketball World Cup.
Batay sa scouting report na nakalap ng coaching staff ng Pilipinas, kulang nga raw sa height ang national team ng Italy pero deadly naman ito pagdating sa mga shooters, post up plays at pag-atake sa wing side.
Kaninang umaga ay nagsagawa na lamang ng light workout ang mga Pinoy players sa Foshan, China, upang plantsahin ang ilalatag na matinding depensa lalo na sa dalawang NBA players ng Italy na sina veteran Marco Belinelli at Danilo Gallinari.
Ang isa pang pambato ng Italy ay si Luigi Datome na naglalaro sa Euroleague.
Liban sa mga nabanggit may dalawa pang malalaking guards ang karibal na koponan.
Umaasa naman si Gilas head coach Yeng Guiao na sana ay hindi nakapag-espiya ang Italy sa kanilang mga close door plays.
Huling nakalaro ng Pilipinas ang Italy noon pang taong 2014 sa isang exhibition kung saan tinambakan ng mahigit 30 puntos ang Gilas team.
Mamayang alas-7:30 na ng gabi ang big game ng Pilipinas na No.31 ranked sa buong mundo laban sa No.13 na Italy para sa kanilang opening game sa unang araw ng prestihiyosong torneyo.