Hindi rin umano nagkakampante ang Team Italy sa kanilang harapan ng Gilas Pilipinas sa pagsisimula ngayong araw ng FIBA Basketball Wold Cup sa China.
Ayon sa Italian coach Romeo Sacchetti, posibleng ang laro raw nila mamayang gabi ang pinakamahirap.
Liban sa Pilipinas bahagi rin ng Group D ang powerhouse team na Serbia at Angola.
Aminado si Sacchetti na ang diskarte nila upang pigilan ang fastbreak ng mga Pinoy ang kabilang sa magiging susi nila sa panalo at tuluyang makontrol ang game.
Alam daw kasi ng mga Italians ang istilo ng Gilas na magaling sa tao-tao na laro.
Tinawag pa ng coach ang style ng Pilipinas na uptempo.
Una nang sinabi ni Gilas coach Yeng Guiao na sana ay hindi sila natiktikan sa gagamitin nilang mga plays.
Aniya, mas marami raw silang alas na hawak mula sa mga scouting reports nang makita ang laro ng number 13 ranked sa friendly games kamakailan.
Batay sa report na nakalap ng coaching staff ng Pilipinas, kulang nga raw sa height ang national team ng Italy pero deadly naman ito pagdating sa mga shooters at post up plays at pag-atake sa wing side.
Kaninang umaga ay nagsagawa na lamang ng light workout ang mga Pinoy players sa Foshan, China, upang plantsahin ang ilalatag na matinding depensa lalo na sa dalawang NBA players ng Italy at isa pang Euroleague star.
Huling nakalaro ng Pilipinas ang Italy sa isang friendly game noon pang taong 2014 kung saan tinambakan ng mahigit 30 puntos ang Gilas team.
Mamayang alas-7:30 na ng gabi ang big game ng Pilipinas na number 31 ranked sa buong mundo laban sa Italy.