-- Advertisements --
paul lee
Photo courtesy of Samahang Basketbol ng Pilipinas

Hindi pa rin nakakatikim ng pagkatalo ang Gilas sa kanilang training camp sa Spain matapos ang panalo nila kontra Ivory Coast, 94-83.

Binura ng Gilas ang double-digit lead ng Ivorians matapos ang ginawa nilang pagbangon noong second half.

Lubog sa 19-28 matapos ang opening quarter at 45-50 sa halftime, nakabawi ang Gilas sa huling dalawang yugto upang ilista ang ikalawa nilang panalo sa kanilang practice games sa Guadalajara.

Nanguna sa hanay ng mga Pinoy si Andray Blatche na nagpakawala ng 18 points, 10 assists, at pitong rebounds.

Umalalay din sina Paul Lee na humugot ng 16 points, Japeth Aguilar ng 12 points, habang may 11 points naman si CJ Perez para sa Gilas.

Babalik sa Madrid ang Gilas bago bumiyahe sa siyudad ng Malaga kung saan nila haharapin ulit ang Congo para sa isang pocket tournament sa Biyernes (Manila time).

Sinumang magwagi sa naturang laban ay haharapin naman ang mananlo sa match-up ng Ivory Coast at Spain.