Minalas ang Philippine national basketball team Gilas Pilipinas sa buwena manong laro kanina kontra sa Team Canada sa nagpapatuloy na Jones Cup sa Taiwan sa score na 77-90.
Mula sa first quarter hanggang sa 4th quarter ay nahirapan ang mga Pinoy sa mas malalaki at matatangkad na Canadians.
Mistulang nangangapa pa ang Gilas dahil sa umabot sa 10 ang kanilang turnovers.
Hindi rin nakatulong ang nagawa nilang 26 na fouls na siyang sinamantala ng powerhouse team na Canada.
Nasayang ang solidong laro nina Kiefer Ravena at Bobby Parks, Jr.
Si Ravena ay nagtala ng 12 points, 5 rebounds at 3 assists sa kanyang all around game, habang si Parks ay tumulong sa kanyang 11 points at 5 rebounds.
Ang Fil-German na Christian Standhardinger ay nagpakitang gilas sa kanyang debut na may 9 points at 10 rebounds.
Si Kobe Paras ay inalat din na meron lamang 4 points at ang import ng Pilipinas na si Mike Myers ay nagbuslo ng siyam at may 10 rebounds.
Ang Canada ay may players mula sa NBA D-League.
Samantala bukas ay inaasahang babawi ang Gilas kung saan makakaharap ang isa sa mga team ng Chinese-Taipei.
Ang Pilipinas ang defending champion sa torneyo, kung saan naghahanda rin para sa pagsabak sa SEA Games sa Malaysia sa sunod na buwan at sa FIBA-Asia Cup na magaganap naman sa Lebanon.