Nakabuwena mano ng panalo ang national basketball team Gilas Pilipinas matapos na masilat ang defending champion na China sa unang laro, 96-87, sa ginaganap na FIBA Asia Cup sa Beirut, Lebanon.
Ginulantang ng mga Pinoy players ang China sa shooting performance.
Mula sa first quarter hanggang sa fourth quarter ay abanse ang Gilas at sa huling bahagi na nakahabol ang China.
Pero bumida sa huling tatlong minuto si Terence Romeo upang isalba ang Pilipinas mula sa powerhouse team.
Sa first quarter ay agad na lumamang ang Pilipinas at sa second quarter ay umabot pa sa 17 points ang tambak sa China.
Sa last quarter maraming mga fans ang kinabahan dahil dumating sa punto na umabanse pa ng tatlong puntos ang China.
Sa last 12 points ng Gilas, walo rito ay mula kay Romeo.
Nagtapos si Romeo ng 26 big points, 4 assists at nagawang maipasok ang limang 3 point shots mula sa pitong attempts.
Nagsama rin ng puwersa sina Japeth Aguilar na may 7 points at 5 blocks at Raymund Almazan na may perfect from the field na 9 points, kahit pa mga higante ang karibal na players.
Liban sa magandang opensa at depensa ng team, nagpakitang gilas din ang Filipino-German sa kanyang debut sa FIBA Asia na si Christian Standhardinger na may 15 points at 6 rebounds.
Ang tinaguriang best point guard in Asia na si Jayson Castro ay nagpakita naman ng 13 points at 7 assists, si Matthew Wright ay nag-ambag ng 12 points, habang si Roger Pogoy ay nagtala naman ng siyam na puntos.
Hindi inalintana ng national squad ang kawalan sa laro ng 6-foot-11 na PBA MVP na si June Mar Fajardo dahil sa injury, gayundin ang naturalized player na si Andray Blatche.
Habang si Calvin Abueva naman ay maagang na-eject sa game sa first quarter pa lamang.
Nagmistulang rematch ang banggaan ng dalawang teams sa nangyaring 2015 FIBA Asia Championship Finals kung saan tinalo ng China ang Pilipinas sa Changsha.
Ang team ngayon ng China sa Lebanon ay may dalawang seven footers na sina Muhao Li na nasa 7’2″ at si Dejun Han na ang tangkad ay 7’1″.
Nandiyan din ang 6’11″ player na si Jinqui Hu na 19-anyos pa lamang.
Sa panig ng Gilas ang tallest player ay ang 6’9″ na si Japeth at may dalawang 6’8″ players na sina Almazan at Standhardinger.
Samantala ilang mga OFW naman ang hindi magkamayaw sa pag-cheer at pagpapalakas ng loob sa mga Pinoy players.
Players scores:
Philippines 96 – Romeo 26, Standhardinger 15, Castro 13, Wright 12, Pogoy 9, Almazan 9, Aguilar 7, Norwood 3, Abueva 2
Philippines next game sa Group Phase (Group B)
August 11, 9pm vs Iraq, Friday
August 13, 9pm vs Qatar, Sunday
2017 FIBA Asia Cup Groups
Group A: Iran, Jordan, Syria, India
Group B: Iraq, China, Philippines, Qatar
Group C: Kazakhstan, Lebanon, South Korea, New Zealand
Group D: Japan, Hong Kong, Chinese-Taipei, Australia