Nakabalik na sa Pilipinas ang Philippine men’s basketball team matapos ang masaklap nilang kampanya sa prestihiyosong 2019 FIBA World Cup sa China.
Lumapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 ang eroplanong sinakyan ng Gilas Pilipinas nitong Martes ng umaga.
Matatandaang lumagapak sa 32nd place ang mga Pinoy sa torneyo matapos na bigong makasungkit ng kahit isang panalo sa nilahukan nilang mga laro sa group at classification phase.
Nitong Linggo ng gabi nang tanggapin ng Gilas ang 95-75 pagkatalo sa Iran, na naging rason din para maitala nila ang pinakamababang point differential sa buong torneyo na may -147 points.
Magpapatawag naman agad ng pulong ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) upang pag-aralan ang palyadong kampanya ng Gilas sa nabanggit na kompetisyon.