-- Advertisements --

Tinalo muli ng Gilas Pilipinas ang South Korea 82-77 para magtapos ng walang katalo-talo sa 2021 Fiba Asia Cup Qualifiers.

Mayroong anim na panalo at walang talo ang Gilas Pilipinas sa habang ang South Korea ay mayroong apat na panalo at dalawang talo sa Group A sa torneo na ginanap sa Angeles University Foundation sa Clark, Pampanga.

Bumida sa panalo si Dwight Ramos na nagtala ng 19 points, limang assists at dalawang steals habang mayroong tig-10 puntos sina Jordan Heading, Kai Sotto at Rj Abarrientos.

Hindi nakalayo ang Gilas sa kalamangan kung saan napalapit pa ng Korea ang puntos 77-75 na may natitirang 55 seconds sa laro sa pamamagitan ng free throws ni Ra Guna hanggang sinagot ito ni Will Navarro sa kaniyang one-hand drive at mailayo ang score 79-75 sa natitirang 30 seconds ng laro.

Humanga naman si Gilas coach Tab Baldwin sa kaniyang mga manlalaro dahil sa ginawa nilang pakikipagsabayan sa mga mabibilis na mga Korean players.