VIGAN CITY – Maaari umanong matalo ang Gilas Pilipinas laban sa koponan ng Angola sa kanilang nakatakdang paghaharap sa araw ng Miyerkules kung hindi nila papalitan ang kanilang game plan.
Ito ang sinabi sa Bombo Radyo Vigan ni Samahang Weightlifting ng Pilipinas (SWP) president Monico Puentevella.
Ayon kay Puentevella, kinakailangan umanong baguhin ng coaching staff ng Gilas ang kanilang plano para sa kanilang huling laro laban sa Angola kung nais nilang maka-isa man lamang ng panalo pagkatapos ng kalunos-lunos na pagkatalo nila sa koponan ng Italy noong August 31 at sa koponan ng Serbia sa kanilang laban nitong Lunes ng gabi.
Ipinaliwanag nito na kung game plan umano ang pinag-uusapan, kasama na rito ang line-up sa unang limang maglalaro pati na kung anong diskarte ang kanilang gagawin upang manalo laban sa kanilang itinuturing na pinakamahinang kalaban nila sa Group D kung saan kabilang ang Pilipinas.
Una nang nagpahayag ng pagkadismaya ang nasabing sports official dahil sa hindi umano nakapaghanda ng maayos ang mga Pinoy cagers para sa FIBA World Cup sa kabila nang naipapabalita naman sa radyo at telebisyon na mahigpit ang kanilang pagsasanay para sa nasabing torneyo.