Nakatakdang lumaban muli ang Gilas Pilipinas mamayang 8:30 ng gabi(July 4) kontra sa Team Georgia.
Ito ay kulang-kulang 20 oras mula nang patumbahin ng Pinoy team ang world No. 6 Latvia, daan upang magtala ng kasaysayan ang national team na hindi nagawa sa loob ng humigit-kumulang 60 years.
Sa magiging bakbakan ng dalawang team, may ilang scenario na maaaring mangyari upang tuloy-tuloy na makapasok ang team Philippines sa susunod na elimination at lalo pang lumapit sa Olympics:
1. Kung mananalo ang Pilipinas laban sa Georgia, otomatikong number 1 ang Pilipinas sa Group A at makakatapat ang 2nd placer sa Group B sa susunod na elimination.
2. Kung mananalo ang Georgia laban sa Pilipinas at lalamang ito ng mas mababa sa 18 points, mauuwi ito sa pare-parehong win-loss margin(1-1) at kakailanganin ng tiebreaker upang matukoy ang papasok sa ranking. Gagamitin dito ang point difference sa ilalim ng rules ng FIBA kung saan mas mataas pa rin ang point differential ng Pilipinas. Sa ganitong scenario, No.2 pa rin ang Pilipinas at pasok sa susunod na elimination.
3. Kung mananalo ang Georgia at lalamang ng 19 points o mas mataas, tuluyan nang matatanggal ang Gilas at uusad ang team Georgia sa susunod na elimination kaharap ang Group B.
Bago ang naging laban ng Gilas at Team Latvia ay una nang tinambakan ng Latvia ang Georgia ng 28 big points, daan upang mahawakan ng Latvia ang pinakamalaking point difference sa Group A.
Mamayang gabi, pipilitin ng Georgia na iwasto ang naunang pagkatalo, sa paghaharap nito sa Gilas Pilipinas na halos walang pang pahinga mula sa naging laban sa Latvia.