PASAY CITY – Muling pinatunayan ng Gilas Pilipinas Philippine national basketball ang pagiging hari ng basketball sa Southeast Asia.
Ito’y matapos na talunin at tambakan ng 34 points ang Thailand sa iskor na 115-81.
Ang panalo ng national team sa SEAG ay ang pang-18 men’s basketball title ng bansa at pang-13 sunod sunod na beses na maibulsa ang gold medal sa bienniel sporting meet.
Sa harap ng 12,462 basketball fans na nanonood sa Mall of Asia arena, walang nagawa ang Thai national team sa bangis ng defensa at outside shooting ng national squad.
Bagamat dikitan ang unang dalawang quarters ng laro, pero pagsapit ng second half dito na umalagwa ang Pinoy cagers.
Mula sa 48-39 na iskor sa half time, sunod-sunod na three-point shots ang pinakawalan nina LA Tenorio, Matthew Wright at Chris Ross at nagtapos ang third quarter sa iskor na 88-54.
Para kay Gilas center Jun Mar Fajardo, hindi naging madali ang pinagdaanan nila at nagbunga ang kanilang sakripisyo.
Dagdag pa ng 5-time PBA MVP, masarap ang pakiramdam na mapagwagian ang unang gintong medalya sa SEAG.
Sinabi naman ni Sen. Bong Go, ikinatutuwa ng Pangulong Rodrigo Duterte ang kinalabasan ng 30th edition ng SEAG.
Pito sa mga player ng Gilas ay umiskor ng double digits.
Pinangunahan ni Fajardo ang national team sa kaniyang nagawang 17 points; si LA Tenorio at Chris Standhardinger ay kapwa pumukol ng 16 points; , sina Matthew Wright ay at Vic Manuel ay gumawa ng 14 puntos; Standley Pringle naka-iskor ng 13 at si Kiefer Ravena ay may 10 puntos.
Sa panig ng Thai national team, nanguna si Tyler Lamb sa ginawa nitong 33 puntos. (Bombo Ronald Tactay)