-- Advertisements --

Sinimulan na ng Gilas Pilipinas ang matinding ensayo halos isang linggo bago ang kanilang gaganaping friendly games sa Doha, Qatar.

Ayon kay Gilas coach Tim Cone na ang pagsali nila sa Qatar ay bahagi na rin ng paghahanda para sa third window ng FIBA Asia Cup Qualifiers.

Unang makakaharap nila ang Qatar at Lebanon sa Pebrero 15 at ang Egypt naman sa Pebrero 17.

Dahil sa pasok na sila sa FIBA Asia Cup 2025 sa buwan ng Agosto ay gagamitin nila ang mga nasabing laro para mapatatag pa ang kanilang koponan.

Pagkakataon ang friendly games sa Qatar na masanay sina AJ Edu at Jamie Malonzo ganun din para makapag-adjust sila sa kawalan ni Kai Sotto na nagpapagaling mula sa injury.

Inamin din ni Cone na kung hindi sila kwalipikado sa FIBA Asia Cup ay hindi sila sasali sa friendly games sa Doha at pagtutuunan na lamang nila ng atensiyon ang laban nila a Chinese Taipei at New Zealand.

Hindi naman makakasama sa laro nila sa Qatar si Japeth Aguilar dahil sa may personal itong lakad.

Magugunitang makakaharap din ng Gilas ang Chinese Taipei sa Pebrero 20 na gaganapin sa Taiwan habang ang New Zealand sa Pebrero 23.