Pormal ng sisimulan ng Gilas Pilipinas ang kanilang puspusang ensayo sa susunod na linggo para sa 2023 FIBA World Cup kung saan isa ang Pilipinas sa host kasama ang Japan at Indonesia.
Ayon kay Gilas coach Chot Reyes, na kabilang sa paghahanda na kanilang gagawin ay ang pagkakaroon ng tune-up games sa ilang mga koponan sa Lithuania.
Magtutungo ang national basketball team sa Lithuania sa darating na Hunyo 20 o 21.
Sinagot naman ni Reyes kung sino ang maaring ipalit kay Kai Sotto sakaling hindi ito makapaglaro at sinabi niya na napili nila si AJ Edu na kamakailan ay dumating na sa bansa.
Una kasing inihayag ni Reyes na baka alanganin si Sotto na makasama sa Gilas dahil sa pagsali nito sa NBA Summer League na magsisimula sa buwan ng Hulyo.
Inihayag ng Gilas coach na suportado nito si Sotto na pursigidong ituloy ang kaniyang pangarap na makapaglaro sa NBA.