Hindi muli pinaporma ng Gilas Pilipinas ang Ivory Coast, 73-63, upang tapusin ang kanilang kampanya sa Torneo de Malaga sa pamamagitan ng panalo nitong Linggo ng umaga sa Spain.
Namayani na naman sa hanay ng Pinoy cagers si Robert Bolick na kumamada ng 19 points, na inalalayan ni Andray Blatch na naglista ng double-double na 18 points at 18 rebounds.
Tinuldukan ng Gilas ang kanilang training camp sa Europe na may 3-1 record.
Mistulang nakabawi rin ang Gilas sa masaklap na sinapit nila sa Congo, 71-82, na naging dahilan upang hindi sila magtagpo ng world No. 2 Spain sa pocket tournament.
Una nang tinalo ng Spanish squad na pinangunahan ni Marc Gasol ang Ivory Coast, 79-62.
Pumukol ng tres si Bolick habang may four-point play naman si Blatche upang ihulog ng mga Pinoy ang 12-5 bomba na siyang nagposte ng malaki nilang lamang 36-25 sa natitirang 2;04 bago ang break.
Nairehistro ng Gilas ang pinakamalaki nilang abanse sa 50-38 sa third quarter.
Gumamit ulit ang Gilas ng nine-man rotation dahil sa patuloy na nagpapagaling si Gabe Norwood sa natamo nitong mild groin strain.
Babalik ang tropa ni coach Yeng Guiao sa Pilipinas sa Martes para sa huling dalawang linggo ng kanilang paghahanda para sa Fiba World Cup bago tumulak pa-China sa Agosto 29.
Narito ang mga iskor:
Gilas Pilipinas 73 – Bolick 19, Blatche 18, Lee 9, Aguilar 9, Perez 8, Wright 6, Erram 4, Belga 0, Barroca 0.
Ivory Coast 63 – Thompson 20, Edi 15, Kone 11, Pamba 5, Sie 4, Sidibe 4, Bah 2, Baru 2, Pofana 0, Coulbaly 0, Cisse 0.
Quarterscores: 17-13; 39-29; 52-42; 73-63.