Tila hindi na makapaghintay ang Philippine men’s basketball team sa kanilang opening game ng FIBA Asia Cup qualifiers ngayong araw kontra sa Indonesia sa Mahaka Square sa Jakarta.
Ayon kay Gilas Pilipinas interim head coach Mark Dickel, nais na raw nitong makita ang bunga ng ilang linggo nilang pagsasanay.
“It is good for us to have a game,” wika ni Dickel. “We haven’t had a game yet as a team. I am excited to see how the guys go.”
Aminado naman si Dickel na hindi pa gaanong nasusubukan sa international arena ang kasalukuyang bersyon ng Gilas, kahit na nasa linya ang mga beteranong sina Kiefer Ravena, RR Pogoy, Troy Rosario, CJ Perez, at Poy Erram.
Katatapos lamang o patuloy pa rin kasing nasa kolehiyo ang iba pang mga team members na sina Isaac Go, Thirdy Ravena, Matt Nieto, Dwight Ramos at Juan Gomez De Liano.
Habang ang iba pang mga PBA players sa koponan na sina Justin Chua at Abu Tratter ay hindi naman regular na miyembro ng national team.
Gayunman, kumpiyansa si Dickel na mabibigyan nila ng sakit sa ulo ang Indonesian squad.
“We know what we are trying to do, we know what our game plan is,” ani Dickel. “Now it’s just a matter of just going into the game and executing.”
Sa kabilang banda, tampok sa Indonesian team na minamando ni dating Gilas coach Rajko Toroman ang dating Indonesian Basketball League MVP na si Arki Wisnu at mga batikan nang sina Andakara Prastawa at Kevin Sitorus.
Inihayag ni Dickel na hindi ito nawawalan ng pag-asa na magagawang makalusot ng mga batang Gilas sa host team.
“As long as we are paying attention to detail and intense and ready to go, I am sure the game will go our way,” anang coach.