-- Advertisements --

Puspusan na umano ang preparasyon ng Philippine men’s basketball team para sa kanilang unang laro sa 2019 FIBA World Cup kung saan haharapin nila ang powerhouse squad na Italy.

Sinabi ni Gilas Pilipinas head coach Yeng Guiao na pakiramdam niya ay ito ang pinakamahalagang laban na susuungin ng Pinoy cagers.

Kaya naman, ayon kay Guiao, lahat ng resources at oras nila ay nakatutok sa Italian squad, na inaasahang babanderahan nina NBA players Danilo Gallinari at Marco Belinelli.

Inaasahan din nilang magiging todo ang puwersa na ibubuhos ng Italy, kaya kailangan daw nila ang lahat ng tulong na maaari nilang makuha.

“We’re going to have to face a stronger team with Gallinari and Datome playing but more or else we’ve familiarized ourselves with what they do and their players,” wika ni Guiao.

Paliwanag ng beteranong mentor, makakatapak pa sila sa second round ng World Cup kung mananalo sila kontra Italy at Angola.

Aminado kasi si Guiao na malabo ang tsansang masilat nila ang Serbia, na pangungunahan ni Nuggets big man Nikola Jokic.

Nitong nakaraang linggo nang mauna na sa China sina Gilas assistant coaches Sandy Arespacochaga at Ford Arao para i-scout ang Italy, maging ang Serbia at Angola.