Nakatakda nang umpisahan ng Philippine men’s basketball team ang kanilang preparasyon para sa 2021 FIBA Asia Cup qualifiers sa Huwebes, Pebrero 6.
Ayon sa team, haharapin na ni interim national head coach Mark Dickel ang 24-man pool ng Gilas Pilipinas sa unang pagkakataon para simulan ang paghahanda para sa unang window ng Asian qualifiers.
Matatandaang itinalaga ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) si Dickel, na isang consultant ng TNT KaTropa, bilang pansamantalang magmamando sa Gilas sa mga laban nito kontra Thailand sa Pebrero 20 at Indonesia sa Pebrero 23.
Una na ring pinangalanan ng SBP ang bubuo sa national pool, na pinaghalong mga PBA, amateur, at collegiate standouts.
Sasalang muli sa national tour duty sina Marc Pingris, Japeth Aguilar, Troy Rosario, Kiefer Ravena, Poy Erram, Matthew Wright, RR Pogoy, Ray Parks, CJ Perez, Mac Belo, at Christian Standhardinger makaraang isuot ang national tri-colors sa nakalipas na mga FIBA competitions.
Kabilang din sa pool ang mga collegiate players na sina Kobe Paras, Juan Gomez de Liaño, Javi Gomez de Liaño, Dave Ildefonso, Dwight Ramos, at Justin Baltazar.
Tatampok din ang PBA rookies na napili sa special Gilas draft na sina Isaac Go, Rey Suerte, Matt Nieto, Allyn Bulanadi, at Mike Nieto, maging ang mga UAAP stars na sina Thirdy Ravena at Jaydee Tungcab.