-- Advertisements --

Aminado si Gilas Pilipinas head coach Yeng Guiao na mahihirapan na raw sila sa muli nilang pagtutuos ng Congo sa gaganaping pocket tournament sa Spain sa Sabado.

Paliwanag ni Guiao, nararamdaman daw nitong minaliit lamang sila ng Congolese team nang una silang magharap sa isang practice match sa Guadalajara.

Tingin ng national team coach, ito raw kasi ay dahil sa mas maliit at mas payat ang mga Pinoy kumpara sa mga manlalaro ng Congo.

Gayunman, kumpiyansa si Guiao na magagawa nilang malusutan muli ang Congo para sa tsansang makatunggali ang powerhouse team na Spain.

Ayon kay Guiao, malaki ang magiging pakinabang nila sa Spanish team dahil sa magiging patikim ito sa nakatakda nilang mga laban kontra sa Serbia at Italy na kabilang din sa mga bigating European teams.