Nanawagan ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) sa mga Pinoy fans na ipagpatuloy pa rin ang pagsuporta sa national team dahil hindi pa tapos ang laban.
Bumiyahe na ngayong araw ang Gilas players sa Beijing, China upang doon tapusin ang kampanya sa FIBA World Cup kung saan magsisimula na ang classification round para malaman ang final rankings mula sa pang-17 puwesto hanggang ika-32 puwesto.
Malalaman din sa torneyo na ito ang mabibigyan ng pagkakataon na mag-qualify ang isang Asian team para sa 2020 Tokyo Olympics.
Sa isang statement, iniulat ng SBP na unang makakalaban bukas ng mga Pinoy alas-8:00 ng gabi ang national team ng Tunisia matapos ang masaklap na kampanya sa unang round nang masilat ng Angola at tambakan din ng Serbia at Italy.
Sa pagkakataong ito tatlong games pa ang lalaruin ng Gilas, kasama na ang rematch sa Angola at malakas din na team na Iran.
Dapat maipanalo ng Gilas ang dalawang laro sa classification phase at umasa na mabigo ang ilang Asian countries sa kanilang laban.
Dapat makapasok sa Top 2 sa classification group ang Pilipinas para pumasa sa Olympic Qualifying Tournament.
Una nang sinabi ni national coach Yeng Guiao na “winnable” naman ang kanilang mga laro sa Beijing.
“There’s still games to play, so I guess the thing to do now is regroup and focus on playing better in the next games, which I think are winnable games,” ani Guiao. “We go to Beijing with the mindset to improve our ranking. Whichever possibility is achievable, we will go for it. At least now, our boys are more comfortable playing at this stage.”