Inamin ni Gilas Pilipinas head coach Yeng Guiao na nasorpresa raw ito sa panalo ng national team kontra sa Congo sa kanilang exhibition game sa Spain.
Bago ito, tinambakan ng Pinoy cagers ang Congolese team, 102-80, sa isang closed-door match na ginanap sa Palacio Multiusos de Guadalajara.
Ayon kay Guiao, nagagalak daw ito na makita na nag-click agad ang opensa ng national squad.
“For a 40 minute game, to score 102 points against a national team, I guess that shows that offensively the system is working,” wika ni Guiao.
Gayunman, binigyang-diin ni Guiao na hindi raw dapat na makuntento ang Gilas sa kanilang nakamit na panalo.
Katwiran ng beteranong mentor, dapat na magpokus pa lalo ang Pinoy team sa kanilang improvement bilang isang unit.
“It’s a good sign, but we don’t really want to put too much emphasis on that win. What we want to emphasize is to just to keep working, grinding it out, and focusing on execution,” ani Guiao.
Tatapusin ng Pilipinas ang kanilang training camp sa Guadalajara sa pagharap nila sa national team ng Ivory Coast ngayong araw.
Kasunod nito ay tutungo na sa Malaga ang Gilas bukas para sa isang pocket tournament kung saan makakatunggali nila ang powerhouse team na Spain.