Hindi nakaporma sa kanilang unang laro sa 2019 FIBA U19 World Cup ang Gilas Pilipinas Youth makaraang itumba sila ng host country Greece, 69-85, sa Heraklion Arena nitong Linggo (Manila time).
Tumipon ng 13 points, 10 rebounds, tatlong blocks at tatlong assists si Kai Sotto ngunit hindi ito naging sapat para mapanatili nila ang kanilang mainit na simula.
Mistulang nakaapekto rin sa Pinoy cagers ang pag-alis nang maaga ni AJ Edu dahil sa natamo nitong injury sa kanyang tuhod.
Gayunman, lumikha pa rin ng 22-12 bentahe ang mga Pinoy, na kanilang pinakamalaking abanse sa laro.
Hindi naman ito nagtagal at nakabangon ang mga Greek sa kanilang deficit at itinala ang 42-41 lead sa halftime tampok ang buzzer-beating triple ni Chrysostomos Sandramanis.
Matapos nito, hindi na kailanman nilingon ng host team ang mga Pinoy kung saan lumikha pa ito ng 63-57 abante pagpasok ng final canto.
Umalalay para sa Gilas sina Gerry Abadiano na humataw ng 13 points at pitong rebounds, at may 12 points at apat na rebounds naman si Dave Ildefonso.
Sumandal naman ang mga Greek kay Nikolaos Arsenopoulos na nagpakawala ng 18 points.
Susubukan namang bumawi ng Pilipinas sa pagtatagpo nila ng Argentina ngayon ding araw.