-- Advertisements --

Nakatuon ang mata ng mundo kung matutuloy nga ba ang ikatlong makasaysayang pagdadaupang palad nina US President Donald Trump at North Korean leader Kim Jong-un.

Una nang inimbitahan ni Trump ang communist leader na magkita sila sa heavily fortified na DMZ o Demilitarized Zone habang siya ay bumibisita sa South Korea.

Ginawa ni Trump ang agbubulgar sa pamamagitan ng kanyang Twitter message bago sya umalis ng Japan sa kanyang pagdalo sa G20 Summit.

Kagabi ay dumating sa South Korea si Trump at agad silang nag-dinner ni South Korean President Moon Jae-in.

Lumutang naman ang balita mula sa NoKor sa pamamagitan ng official news agency na itinuturing daw na “very interesting suggestion” ang hakbang ni Trump.

Pero isang opisyal umano ang nagsabi sa North Korea na wala pang opisyal na imbitasyon hinggil dito.

Sambit naman ni Trump na inaayos na ang kanilang paghaharap na maaaring tumagal lamang ng dalawang minuto para siya ay “mag-hi and hello” at kamayan si Mr. Kim.

Sinasabing alas-2:30 local time nitong Linggo ang itinakdang pagtungo ni Trump sa DMZ.

Para naman sa ilang political analyst, mayroon ding benipisyo pero “risky” ang naturang “reality gimmick” ni Trump.

Ang ganitong hirit ay maaaring aniyang bumuhay sa muling pag-uusap sa denuclearization sa Korean Peninsula kung saan sa huling pagkikita nina Trump at Kim sa Hanoi, Vietnam noong Pebrero ay nauwi sa kabiguan.

Sa isang banda, ang imbitasyon ni Trump ay lalong magbibigay ng dagdag na pagkilala kay Kim bilang “importanteng world leader” sa kabila ng bansag sa kanya bilang pangunahing lumalabag sa karapatang pantao.

Noong 2017 visit ni Trump sa Seoul ay tinangka na rin nitong tumungo sa South at North border pero hindi natuloy dahil sa masamang lagay ng panahon.