-- Advertisements --

Nagpamalas ng dominanteng performance ang Barangay Ginebra sa kanilang 86-75 panalo kontra Magnolia sa Game One ng kanilang three-game quarterfinal showdown sa PBA Philippine Cup nitong Sabado.

Pumoste ng 15-point, 12-rebound double-double performance si Greg Slaughter para sa Gin Kings, na nakahugot pa ng apat na players na may double-digits.

Hindi rin nagpaawat si Japeth Aguilar na kumamada ng 12 points, 11 rebounds, pitong assists, at tatlong blocks, at si Art Dela Cruz na tumipon ng 14.

Kumayod ang Kings sa second quarter sa kanilang 16-0 harurot upang mapalawig sa 37-20 ang kanilang agwat sa kalaban.

Buhat dito ay hindi na hinayaan pa ng Ginebra na mahigitan sila ng Hotshots.

Kasunod ng panalo, tatangkain ng Kings na tapusin na ang serye sa Lunes sa Game Two na dadalhin naman sa Smart-Araneta Coliseum.

Inalat naman ang Magnolia sa kanilang 30 percent shooting mula sa field.

Bagama’t sinubukan pa ng Hotshots na bumangon sa fourth quarter, hindi na sila pinaporma pa ng Ginebra.

Sumandal ang Magnolia kay Paul Lee na naglista ng 15 points.

Narito ang mga iskor:

Ginebra 86—Slaughter 15, Dela Cruz 14, Thompson 12, J. Aguilar 12, Tenorio 10, Ferrer 8, Chan 6, Mariano 4, Mercado 3, Caperal 2, Cruz 0.

Magnolia 75—Lee 15, Sangalang 14, Brondial 11, Melton 10, Ramos 10, Dela Rosa 6, Jalalon 4, Barroca 3, Reavis 2, Herndon 0, Abundo 0, Pascual 0.

Quarters: 17-18; 44-27; 62-47; 86-75.