-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Nasa kustodiya na ng Butuan City Police Station 1 si Raymundo Cuenca III matapos nitong barilin-patay ang nakakatandang kapatid na si Regine Cuenca-Subdivisana .

Naganap ang insidente sa kanilang bahay sa Purok 1, JC Aquino Avenue, Brgy. New Society Village nitong lungsod.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ng kanilang kapatid na si Ryan Cuenca na blangko pa siya sa motibo ng suspek.

Napag-alamang sinundo pa nila kaninang alas-siete ng umaga ang suspek matapos dalhin sa Cabadbaran Emergency Hospital dahil umano sa allergy at huli na nang kanilang malamang nagtangka pala itong magpakamatay kaninang madaling araw sa Cabadbaran City, Agusan del Norte kung kaya’t dinala ito sa ospital.

Pagkarating nila sa kanilang bahay ay narinig na lang ni Ryan na nagkasagutan ang dalawa hanggang sa nakarinig na lang siya ng putok ng baril.

Nang makitang duguan ng nakahandusay ang kanyang nakatatandang kapatid ay kumaripas na siya ng takbo papasok sa isang bangko dahil siya na rin ang pinaghahahanap ng suspek.