-- Advertisements --

ROXAS CITY – Humihingi ngayon ng tulong sa lokal na gobyerno ng Batangas ang isang ina na Capizeña na mayroong dalawang anak na nakatira malapit sa nag-aalburoto sa ngayon na Bulkang Taal.

Sa interview ng Bombo Radyo kay Salvi Dumopoy ng Barangay Libas, Roxas City, inihayag nito na ang kaniyang dalawang anak na sina Ivin at Debbie Dumopoy ang matagal nang nakatira sa Buso-buso, Laurel, Batangas.

Nag-aalala ngayon ang ginang matapos na makatanggap ito ng mensahe mula sa kaniyang anak na si Debbie tungkol sa sitwasyon sa naturang lugar.

Aniya ligtas na ang anak nitong si Debbie ngunit ang anak nitong si Ivin ang nangangailangan ng tulong dahil na-trap ito sa kanilang bahay dahil sa mga nagbagsakan na mga bato na nakaharang ngayon sa daan.

Umaasa ang ginang na sa pamamagitan ng Bombo Radyo, matutulungan at ma-rescue ng lokal na gobyerno ng Batangas ang kanyang anak.