SAN DIEGO, California – Napilitan ang isang ginang sa California na ibenta na lamang kahit sa mas mababang halaga ang nabiling sofa sa online shopping na Amazon.
Kwento ni Isabella McNeil, nakaugalian na niyang mag-browse sa shopping application, pero sa pagkakataong iyon ang kaniyang dalawang taong gulang na anak ang nakapag-set ng order.
Akala umano niya ay maglalaro lang ang kaniyang baby Rayna, ngunit napunta na pala ito sa Amazon app.
Nagkataon pang napindot ng bata ang “1-Click” ordering.
Nalaman na lang ni Isabella ang pangyayari nang may dumating na email sa kaniya na nagsasabing naiproseso na ang nabili niyang sofa na nagkakahalaga ng $400 o mahigit P20,000.
Huli na para makansela ni McNeil ang order dahil “shipped” na ito at mapapatawan siya ng restocking fee at return shipping costs.
Sa huli, minabuti na lang niyang kunin at bayaran ang furniture item at ibenta kalaunan kahit sa mas mababang halaga sa sinumang interesado. (CBS)