NAGA CITY – Nakulong ang isang ginang matapos na pagtatagain ang mga nambugbog sa kanyang live-in partner sa Brgy. Bahi, Garchitorena, Camarines Sur.
Kinilala ito na si Ivolyn Vertuz, 36.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Cpt. John Angelo Romeroso, hepe ng PNP Garchitorena, sinabi nito na pinagtataga ng babae ang biktimang si Randy Abraham, 32.
Ayon sa opisyal, pumasok umano ang biktima sa bahay ng suspek kasama ang isang Cedric Base at pinagbubugbog ang kanyang live-in partner na si Noe Clores.
Dahil sa nakitang sitwasyon ng live-in partner ay kumuha umano ng itak ang suspek at pinagtataga si Abraham.
Nagtamo ng taga sa kamay at braso ang biktima na agad naman na dinala sa pagamutan.
Napag-alaman na lasing umano ang biktima ng pinasok nito ang bahay ng suspek.
Dating alitan naman ang tinitingnan ugat ng pambubugbog ng mga ito sa live-in partner ni Vertuz.