-- Advertisements --
Shirley Obias with her baby
Shirley Obias with her baby

CAUAYAN CITY – Labis na nagpapasalamat ang isang ginang na maayos niyang naisilang ang kanyang baby matapos siyang mag-labor habang sakay ng eroplano papuntang Cauayan City mula sa coastal town ng Divilacan, Isabela.

Ayon kay Gng. Shirley Obias, 33-anyos, suwerte ang pang-pitong anak dahil ipinanganak niya ito sa loob ng eroplano habang naglalakbay sa himpapawid kaya “Sky” ang nais niyang ipangalan sa kanya.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Gng. Obias na ayaw sana niyang lumuwas papuntang Cauayan City dahil mahal ang pamasahe sa eroplano.

Gayunman, napilitan siya sapagkat pinilit siya ng midwife sa Divilacan dahil hindi umano kompleto ang kanilang mga gamit doon.

Aniya, nagalit ang doktor sa Cauayan District Hospital nang malaman na pinilit siyang pumunta sa Cauayan City para doon magsilang dahil mayroon namang doktor at nurse sa Divilacan.

Ang problema tuloy ni Gng. Obias ay ang pamasahe nila pabalik sa coastal town lalo pa’t nais nilang mahabol ang botohan sa Lunes, Mayo 13.

Kuwento nito, tatlong araw siyang nag-labor at kahapon ng umaga ay hindi na niya napigilang isilang ang kanyang baby habang nasa loob ng eroplano at malapit na itong lumapag sa airport.