TUGUEGARAO CITY-Nasa ligtas na kalagayan ang isang misis at kanyang sanggol matapos maabutan ng panganganak sa loob ng barko habang nasa gitna ng karagatan patungo sa main land Cagayan.
Ayon kay Julius Addatu, Muncipal Planing Developent Coordinator ng Calayan, tatlong buntis ang sakay ng barkong MV Eagle Ferry mula sa Isla ng Calayan at ang isa sa kanila ay nakatakda nang manganak kaya’t siya ay magtutungo sana sa mainland.
Natagalan aniya ang kanilang biyahe dahil iniwasan ng kapitan ng barko ang malalakas na alon at kinailangan pa niyang tahakin ang Babuyan Channel at Babuyan Island upang maging ligtas ang mga pasahero mula sa banta ng matataas na alon ng dagat.
Nabatid na ang ginang na si Ailen Gutierez Pasia ng Brgy. Dadao, Calayan, ay may history ng prolonged labor kaya’t nagpasya rin ang kanyang duktor at asawa na sa mainland manganak.
Ngunit habang nasa biyahe, pumutok na ang panubigan nito kaya’t agad nag-set up si Addatu at ang kasamahan na si Nurse Hazel Tan ng maayos na lugar kung saan siya dapat manganak.
Inihayag ni Addatu na nahirapan sila sa sitwasyon ng pagpapa-anak dahil habang nasa gitna ng dagat ay bahagya silang nakaramdam ng pagkahilo dahil sa mga alon sa dagat.
Gayonman, labis naman ang kanilang pasasalamat dahil sa naging maayos ang panganganak ni Aileen ng baby boy at ng makarating sa mainland sa bayan ng Aparri ay agad na dinala ng mga otoridad ang ginang sa pinakamalapit na pagamutan para sa karagdagang pagsusuri.
Nabatid na si Addatu ay nagtapos sa kursong nursing at bago maging Muncipal Planing Developent Coordinator sa isla ay naranasan na rin niyang magpaanak sa mga nakalipas na taon.
Dahil sa nasabing pangyayari, binigyang diin ni Addatu ang kahalagahan ng pagsasanay sa mga mamamayan lalo na sa mga nasa malalayong lugar na maaaring magbigay ng first aid o umasikaso muna sa pasyente habang dinadala sa health care facility.